Saturday, November 1, 2008

txrd force( ayon sa aking ala-ala)



(Kwento ito ni Defs na isang miyembro ng grupo.) Hindi ko malilimutan ang mga panahon noong aking kabataan na sa isang maliit na baranggay sa bayan ng Naic, Cavite nabuo ang TXRD FORCE. Mga kabataan na nagkakatuwaan at laging masaya kapag nagkikita. Nagpi-picnic sa harapan ng bahay ni Kaka Intang na may paarkilahan ng komiks at may lamesa ng madyungan. Nagdadala ng bahaw at ulam na kinete sa badayo at salu-salo tawag ang ilang tropa. May ginawa kami ni Pareng Elmer na maliit na tambayan sa ilalim ng puno ng balimbing na kapag umuulan ay tumutulo. Naghahalinhinan sa paglalaro ng Gameboy na dala ni Komang galing Germany. Halos magkakapalitan na nga ng mukha sa panood sa maliit na screen ng nasabing laruan. Basta kailangan mo ang tropa ay naandoon lang sila sa may tambayan.

Nagkaroon ng liga ng volleyball sa bayan na pinangunahan ng Naic Magilas Jaycees. Lahat ng baranggay ay nagpasok ng entry at ang naging champion ay ang team na TXRD FORCE. Ang mga player ay sina Nomer at Bong Lopez, Lito del Rosario, Noel at Delfin Gutierrez, Edward at Idoy Pinco, Ogie Punzalan, Alex Repil, Toto(Paos) Antiojo, Taguie Castillo at Danilo (Jet-jet) Castro at ang aming Coach ay si Domeng na mag-iisda. Kaunaunahang champion ng volleyball sa bayan ng Naic ang TXRD FORCE.

Kapag malapit na ang pyesta at kapaskuhan ay tumutulong sa paglilinis ng mga kanal at paglalagay ng banderitas at dekorasyon sa kalsada. Gabi-gabi ay nagpupuyat ang tropa sa paggagawa ng parol at christmas tree na inilagay sa bubong ng Baranggay Hall sa tabi ng tambakan.

Minsan naman ay nagkakaumpukan sa may looban sa upuang bato sa kanto at inilabas na din ang mahabang bangko at isinandal sa bakod nina Aling Sepa para maging sandalan. Lalabas si Jonathan dala ang gitara ng tatay niyang Mang Danny at tutugtog sila nina Cesar at kasabay din sa pagkanta ang tropa. Magkakantyawan at hindi naman nagkakapikunan. Kapag nagkakalaglagan na sa kantyawan ay may motto ang tropa na "mamatay na sa tanggi". Kaya kahit magkapi-pitan ng bayag ay hindi aamin at ipagkakanulo ang isa't-isa, "hulihin mo ng mapatunayan mo".

Nagkakatuwaan din ang mga tropa pagkatapos magawa ang kanilang gawain. Isang beses ay naglaro ng barilan ang tropa at nagtatagbuhan sa looban na may dalang baril.Pumasok pa nga sa looban si Jojie na asawa ni Nina na maysukbit na baril at riple ng CCA. Tawanan ang taga looban. Katakot-takot na puna at batikos ang naririnig mula sa mga matatanda ngunit hindi naman iyon pinapansin dahil ang mahalaga ay hindi naman namin sila pinakikialaman . Nagkakatuwaan lang. Minsan ay naalala ko na gabi at naglaro ng taguan sa may Balsahan Elementary School. May nagtatago sa loob ng room na bagong gawa at may nagtatago sa may ilat sa may garden , nagkakandahulog sa ilog nakakapit lang sa ugat ng puno at mga halaman. May kasama pa kaming malabasin at nagtataasan ang aming mga balahibo, hindi ko na sasabihin kung sino iyon.
(ang larawan ay ang sagisag ng txrd force)

No comments:

Post a Comment